Sa wakas may bago na naman akong entry sa blog ko pagkatapos ng napakahabang panahon. Medyo naging busy ako nitong mga nakaraang buwan -- sa trabaho, sa negosyo, sa video games, sa computer, at sa kung anu-ano pa.
Undas nga pala ngayon. Kaya pala wala masyadong tao sa labas. Ang karamihan ay nasa sementeryo para dumalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Pero heto ako, nasa bahay lang. Nasa probinsya kasi nakalibing ang mga relatives ko. Ipagdadasal ko na lang sila mula rito.
Tuwing Undas rin nagkakaroon ng pagkakataon ang mga matatanda na magsuot ng mga nakakatuwa at nakakatakot na costumes para sa kani-kanilang "Halloween Party". At para sa mga bata, pagkakataon rin nila para makahingi ng napakaraming kendi. Kagabi nga, may mga batang kumakatok sa pinto sabay sigaw ng, "Tricks or tricks!". Hindi ko nga pinagbuksan. Gabing-gabi na, pagti-tripan pa ako!
Kahapon, nagkaroon sa office ng Halloween Party. Nakakatuwa kasi sobrang abala ng lahat mula sa costumes pati na rin sa team decorations. Napagpasyahan ng team namin na magsuot ng nakakatakot. Filipino folklore ang theme namin. Maraming akong naging choice, mula sa pagiging gwapong tikbalang, machong kapre, at boy-next-door na multo. Pero naisip ko na napaka-common ng mga ganoong nilalang. Kaya iba na lang ang pinili ko, ang pilyong manananggal.