-3:30 AM-
Napakalakas ng ulan.
Baha.
Pero heto ako, naghahanda para sa trabaho.
Ayon sa balita, suspended na ang mga klase mula preschool hanggang college, public man o private.
Ayon din kay Mayor Lim, "Code Red" na sa buong Metro Manila.
Pinalikas na ang mga tao mula sa mabababang lugar dahil maaaring lamunin na ng baha ang kanilang komunidad.
Pero heto ako, naghahanda para sa trabaho.
-4:10 AM-
Medyo mataas na ang baha sa kalsada. Wala ring dumadaan na jeep.
Kung meron man, bumabalik din dahil sa baha.
Kailangan ko pang maglakad ng napakalayo para lang makahanap ng taxi. Buti na lang naka-shorts at tsinelas lang ako.
-4:41 AM-
Hindi ako late sa trabaho. Yey!
"Perfect Attendance" pa rin ako.
-8:50 AM-
Napakadilim pa rin sa labas. Sobrang lakas ng ulan. "It's raining cats and dogs and cows.", ika nga nila.
'Di rin ako inalok ni Miss Dette ng kanyang popular quekiam. Absent yata.
-10:00 AM-
Lalong lumakas ang hampas ng hangin sa glass window ng building namin. Nasa 12th floor kami kaya medyo ramdam namin ang lakas ng hangin.
-1:25 PM-
Pina-cancel ng mga boss namin ang operations. Maraming natuwa kaso 20 minutes na lang, uwian na namin.
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maaasar.
-3:01 PM-
Maayos naman ang kalagayan sa Cubao. Walang masyadong baha.
Akala ko, makakauwi na ako ng matiwasay.
Yun pala...
-3:18 PM-
Exterior. V. Mapa LRT Station. Hapon.
Pagbaba ko ng tren, akala ko na-teleport ako sa beach resort.
Marami kasing taong lumalangoy sa kalsada.
Bad news para sa akin dahil ibig sabihin, stranded ako sa lugar na ito.
Marami ring evacuees. Ang iba'y nagpapahinga at merong ring mga tulog na.
Gusto ko sanang sumigaw ng "Sunog!" kaso baka kuyugin ako ng taongbayan.
Abot dibdib ang baha at alam kong wala akong mapapala sa pagtambay kaya naisipan ko na lang makitulog sa bahay ng kaibigan ko.
Sumakay uli ako ng tren papuntang Pureza.
-4:12 PM-
Exterior. Pureza LRT Station. Hapon.
Mas mababa ang baha. Hanggang tuhod lang.
Maraming taong nag-aabang sa mga bumababa ng station. Feeling ko tuloy nasa airport ako at hinahatid ng mga kamag-anak ko.
"Boss, sakay ho kayo?", alok sa'kin ng isang pedicab driver.
Kakaiba yung pedicab kasi hindi sa loob pinasasakay yung mga pasahero kundi sa bubong.
Mayroon ding mga kabataang may dalang papag.
Oo. Papag.
Yun ang sasakyan mo at bubuhatin nila kung saan mo man gusto pumunta. Basta may bayad.
Gusto ko sanang bumalik ng Eastwood na nakasakay sa papag kaso pagod na ako kaya nagpasya na lang akong lumusong sa tubig baha.
Sa wakas. Nakahanap din ako ng jeep.
Baha rin sa lugar ng kaibigan ko pero di ganun kataas. Dun ako nagpalipas ng gabi.
Isa ito sa pinakamahabang araw para sa akin. Marami rin akong natutunang mga aral pero sakin na lang kung ano ang mga iyon. Isa lang ang pinagsisisihan ko...
At iyon ay ang 'di pagsakay dun sa papag na bitbit ng mga kabataan.
Ita-try ko yun next time. Pramis.
~End.