'Di pa rin ako makapaniwala na malapit na mag-Pasko. Kitang-kita sa mukha ng mga tao ang pagka-aligaga dahil sa pamimili mula sa panghanda para sa Noche Buena hanggang sa pang-regalo sa mga espesyal na tao sa kani-kanilang buhay.
Maririnig mo rin ang mga kabataan na namamasko mula hapon hanggang gabi. Wala silang pakialam kung mali-mali at hinugot pa sa ibang kalawakan ang lyrics ng mga kinakanta nila. Ang mahalaga, bigyan mo sila ng pera pagkatapos mangaroling kung ayaw mong ipangalandakan nila sa buong baranggay kung gaano ka kabarat at walang kwentang nilalang. Hard core na ang mga nangangaroling ngayon. Isang bases may narinig ako:
Nangangaroling: Namamasko po!
Pinagkakarolingan: Tawad!
Nangangaroling: Tenk yu, tenk yu, ambabarat ninyo, tenk yu! Masunog sana bahay nyo!
Abala rin ang mga debotong Katoliko sa pagpunta sa simbahan kahit na ito'y sa madaling araw dahil may paniniwala ang mga Pilipino na magkakatotoo ang kung ano mang mithi kung makukumpleto nila ang simbang gabi. Sa totoo lang, hindi ko pa sya nakumpleto kahit na kailan. 'Yun rin siguro ang dahilan kung bakit hindi ko makamit ang aking munting hiling --- ang maging artista.
Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan kaya naging tradisyon ko na rin na magpa-raffle sa office. Oh ha! Ito ang aking paraan ng pasasalamat sa mga naging suki ko sa aking munting negosyo. ^^
Advanced Merry Christmas! ^^